Ang Kalupi ( Maikling Kwento)
ni
Benjamin P. Pascual
(May
mabigat na pagkakasala sa batas si Aling Marta dahil sa mali niyang paghatol sa katauhan ng
bata. Madalas mangyari na dahil sa ayos ng isang tao ay dagli siyang
napagbibintangan ng di mabuti. May karanasan ka ba na nakapagbintang o dili
kaya’y napagbintangan ng di mabuti? Basahin ang kwento at ikaw na ang humatol
sa mga tauhan nito.)
Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na
barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na
bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan
ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok
sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng
kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang
katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang
sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral
ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay
hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin
niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang
kasuotang putting-puti, kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo
pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng
kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng
mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang
naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot
nitong sinusukat sa harap ng salamin ang nagbubur-dahang puting damit na
isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.
Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng
kanyang pamimiling uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang
bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin.
Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi
pangkaraniwang pananghalian. Bibili siya ng isang matabang manok, isang kilong
baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili na rin siya ng
garbansos. Gustong-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na
garbansos.
Mag-ikakasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay
naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay
ng mga magbabangus na pagkanta pangisinisigaw ang halaga ng kanilang paninda,
ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili.
Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya painiling magdaan.
Ang lugar ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan
siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng
mantika. Nang dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na
papasok, ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang lalaki, at ang
kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama
sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na ng
daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”
Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang-lilis
ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang
pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling
Marta na ang bata ay anak-mahirap.
“Pasensya na kayo, Ale” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na
bangos. Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na
nakatingin sa kanya, “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako e.”
“Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y
pagpapasensiyahan nang pagpapasensiyahan ay makakapatay ka ng tao.”
Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya,
ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan
ng hindi mabuti ay sa kanyang pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang
inisip kung me iba pang nakikita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita
sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga
sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang
kartong mantika.
“Tumaba yata kayo, Aling Gondang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera
na siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.
“Tila nga ho,” ani Aling Gondang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”
Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang
magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis
niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ang kanyang
anyo.
“Bakit ho?” anito.
“E…e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.
“Ku, e magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae.
Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na
sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi. Sabado. Ngunit aywan ba niya kung
bakit ang di pa ma’y nakikiramay ang tonong nagtatanong ay nakapagpalaki ng
kanyang loob upang sabihing, “E, sandaan at sampung piso ho.”
Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas,
nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa
kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa
kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong
lumabas. Hindi pa marahil iyon nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang
nakaraan, ang tabas ng mukha, ang mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa
harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at ng
mangailan-ngilang namimili at ang batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay
nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng
gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng prusisyon
na di kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita
niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at
sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaari magkamali: ang wakwak na kamiseta
nito at ang mahabang panahon na ari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay
sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong
bangos na tigbebente.
Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sabi
niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!”
Tiyakan ang kanyang pagsasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa
pag-aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay
mahinang sumagot:
“Ano hong pitaka?” ang sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.”
“Ano wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka
ko at wala ng iba. Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano ha? Magaling, magaling ang
sistema ninyong iyan! Kikita nga kayo rito sa palengke!”
Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng
namimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa leeg ng bata at ito’y
pilit na iniharap sa karamihan.
“Aba, kangina
ba namang pumasok ako sa palengke e banggain ako,” ang sabi niya. “Nang
magbabayad ako ng pinamimili ko’t kapain ang bulsa ko e wala nang laman!”
“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaeng nakikinig.
“Talagang dito ho sa palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.”
“Tena,” ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”
“Bakit ho, saan ninyo ako dadalin?”
“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay
kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”
Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang
dalawahing-kamay ang pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad
sa pagkakasakal ng kanyang liig. May luha nang nakapaminta sa kanyang mga mata
at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng
mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod sa mga pagkakataong tulad
niyon, at nang ito ay malapit na ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong.
“Nasiguro ko hong siya dahil nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang
kanyang kamay sa aking bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho
naino kaagad pagkat ako’y nagmamadali.”
Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa
sa duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap ng nito at
sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan
nang umiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng
sulsi, diyes sentimos na papel at tigbebenteng bangos.
“Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka?” ang tanong ng
pulis kay Aling Marta.
“Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta.
“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalisik na tanong ng pulis sa
bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.”
“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata.
“Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi
ho ako mandurukot.”
“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming sa iyo
kung ang pitaka ko e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba
ganon kayong mga tekas kung lumakad…dala-dalawa, tatlu-talto! Ku, ang mabuti ho
yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matulong
matakot iyan at magsabi ng totoo.”
Tumindig ang pulis, “Hindi ho natin karakarakang madadala ito ng walang
evidencia. Kinakailangang kahit paano’y magkakaroon tayo ng maihaharap na
katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”
“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo?” ang sabi ni Aling Marta na
nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko
ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?” Sa bata nakatingin ang pulis na
wari’y nag-iisip ng dapat niyang Gawain, maya’y maling naupo at dumukot ng
isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa kanyang bulsa.
“Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata.
“Andres Reyes po.”
“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang
paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming
bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa
bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt, kung minsan naman ho e sa mga
tiyo ko sa Kiyapo at kung minsan e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa
Tundo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam para Mamayang tanghali.”
“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng
pulis.
“Oho,” ang sagot ng bata. “Pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero
ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako
marunong bumasa e.”
Ang walang kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot
sa kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating.
Lumalaon ay dumarami ang tao sa kanyang paligid at ang pulis na umuusig ay tila
siyang-siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya
ng pagkainis.
“Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” ang sabi niya.
“Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito at wala namang nangyayari. Kung
hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.”
“Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad, e” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto
n’yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa
kuwartel. Doon sabihin ang gusto ninyong
sabihin at doon ninyo gawin ang gusto ninyong gawin.”
Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang hindi
umiyak na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay pangiti-ngiti
habang silang tatlo ay pinagmamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.
“Maghintay kayo rito sa sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” ang
sabi sa kanya at pumasok. Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila
maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri
ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; ilan-ilan na lamang
ang nakikita niyang pumasok sa palengke. Iniisip niya kung ilang oras pa ang
kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi; dalawa, tatlo, o maaaring sa
hapon na. naalala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang kanyang
asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang narinig ang
sasabihin nito kung siya’y darating na walang dalang ano man, walang dala at
walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kanina pa nagpupuyos sa kanyang
dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin
niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng
kanyang paningin ay pabalingat niyang pinilit sa likod nito.
“Tinamaan ka ng lintek na bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman.
“Kung walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng
ikaaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan? Saan?”
Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa
kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila
upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig
na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang
mailapit sa kanyang bibig ay buong panggigil na kinagat.
Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang
niya ay makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang
siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay
naalaala niya ang kalayuan, kay Aling Marta at sa dumakip na pulis, at siya ay
humahanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na tumakbo,
patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap
na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at ang sigaw ng pulis at
ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang
malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay
nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang
paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang
madaliin ang anino ng kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at
duguang katawan.
Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng
kanyang mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig
na pawis ang gumigiit sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangatog.
Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon
ang paningin ng lahat at siyang binuntunan ng sisi. Bakit ba ako nanganganino
sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin
nino man at nalalaman ng lahat na ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng
bata sa kanyang nagawang kasalanan.
Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata
ay napagtulungan ng ilan na buhatan sa bangketa upang doon pagyamanin at
ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang
dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kasuotang ay tuluyan
nang nawalat sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis ay
pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha
ni Aling Marta.
“Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputol-putol
na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”
May kung anong malamig na naramdaman si Aling Marta na gumapang sa kanyang
katawan; ang nata ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa
ay lumungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan
itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta sa kanyang sarili.
“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya.
Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y
matutuwa na kayo niyan.”
“Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling
Marta.
“Wala naman, sa palagay ko,” ang sagot ng pulis. “Kung me mananagot niyan ay
walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa
pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan,” may himig pangungutya ang
tinig ng pulis.
“Makakaalis na po ako?” tanong ni Aling Marta.
“Maaari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangang iwan ninyo sa akin ang
inyong pangalan at direksyon ng inyong bahay upang kung mangangailangan ng
kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.”
Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging
lumalayo sa karamihan. Para pa siyang
nanghihina at magulong-magulo ang kanyang isip. Sali-salimuot na alalahanin ang
nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ng walang tiyak na patutunguhan.
Naalala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuuwi
na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa, sandaling
malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa
siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap,
sisihan, tungayawan, at ang mga anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng
panangis hanggang sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay.
Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi
sinasadya ay muling nadako ang pinag-uugatang diwa sa bangkay na bata na
natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.
Kung hindi sa Tinamaan ng lintek na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning
ito, usal niya sa sarili. Kasi imbis, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng
kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti nga sa kanya!
Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y
makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig
na ang kokote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring
magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas na sabihin nito, na ang
lahat ay dahil sa malabis niyang paghahangan na makagpadal ng labis na salaping
ipamimili, upang maka-pamburot t maipamata sa kapwa na hindi na sila
naghihirap. Ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililihim din
niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng iskandalo; at kung
sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihimin niya ito. At tungkol
sa ulam mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Gondang at iyon ang
kanyang ipamimili – nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang daan at
sampung piso at halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung ay ipagkait nito sa kanya
bilang panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa
manipis na labi ni Aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong
pamilihan.Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang bago siya pumasok
sa tarangkahan, ay natanaw na niya nag kanyang na dalaga na nakapamintana sa
kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ay minamasdan, ngunit nang
malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob ng
kabuhayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.
“Saan ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na
ga-graduate,
“E…e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking
pitaka.”
Nagkatinginan ang mag-ama.
“Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa. “Ang pitaka mo e Naiwan mo!
Kaninang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit
at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka ba
kumuha ng ipinamili mo niyan?”
biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni
Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan
ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito;
Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang
natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinanganga-pusan ng hininga at
sa palagay na niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang mawalan
ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t
anak, at ang papaliit na lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?
Tata Selo
ni
Rogelio R. Sikat
Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit
nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang
Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad
makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”
“Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na
nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang
may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at
paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng
natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang
kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang
tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga,
“talagang hindi ko mapaniwalaan.”
Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali
at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa
istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya.
Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at
sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok. “Bakit niya
babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa
partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya
ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong
magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?” Hindi pa rin umaalis sa
harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya
sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.
“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak
ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na
pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng istaked.
Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang
naninigarilyo. “Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan
pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”
Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran
iyan para tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka
niyang paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.” Halos lumabas ang mukha
ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika
niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinakpan pagkatapos. “Alam po
ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang
aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang
iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung
hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang po. Nakikiusap po ako sa
kabesa kangina, “Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa.
Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako po nama’y malakas pa.’ Ngunit... Ay!
tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong putok sa aking noo,
tingnan po n’yo.”Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y
tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis. “Pa’no po ba’ng nangyari,
Tata Selo?”
Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling
si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na na nakalapit sa
istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid,
na maniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata.
Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong
lilik.
“Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa aking saka, ang wika’y
tinungkod ako, amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay
saan pa ako pupunta?”
“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”
Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang
bata.“Patay po ba?”
Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa
pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat. “Pa’no pa niyan si Saling?”
muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong taong anak ni Tata
Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang
umuwi kay Tata Selo. Ginagawang reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang
nakaraang taon, hindi lamang pumayag si Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”
Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas.
Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating
ito, kasama ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot
ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y
di pa nag-aalisang tao.
Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.
“Patay po ba? Saan po ang taga?”
Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang
alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang
malaking hepe.
“Saan po tinamaan?”
“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at
mariing inihagod hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.”
“Lintik na matanda!”
Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan.
Nanghataw na ng batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng
istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha
kay Tata Selo sa istaked.
“Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang
tanggapan.
Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang
nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon
sa nasasalaminang mesa.\
“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng alkalde.
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong
umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin po, naisangla lamang po at
naembargo.”
“Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng nagbubugnot na alkalde.
Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw
na luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.
“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong
magsaka. Makatwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente,
malakas pa po.”
“Saan mo tinaga ang kabesa?”
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas sa
pilapil. Alam ko pong pinanood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko
ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, na kaya ko pa
pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y lumapit, sinabi
niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.”
“Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako.
‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a.’ Nilapitan
po niya ako nang tinungkod.”
“Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe.
Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga eskribiyente pang
nakapasok doon – ay nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata Selo at gagalaw-galaw
ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa
makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang
paa.
“Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde.
Hindi sumagot si Tata Selo.
“Tinatanong ka,” anang hepe.
Lumunok si Tata Selo.
“Umuwi na po si Saling, Presidente.”
“Kailan?”
“Kamakalawa po ng umaga.”
“Di ba’t kinatatulong siya ro’n?”
“Tatlong buwan na po.”
“Bakit siya umuwi?”
Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na napayuko siya.
“May sakit po siya?”
Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod na pagtugtog ng
kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo – ay umalis ang alkalde
upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.
“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay
Tata Selo na nakayuko at din pa tumitinag sa upuan.
“Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo.
Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si Tata Selo.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang
labing katwiran ni Tata Selo.
Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa
sahig, napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa umipormeng kaki ng hepe.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod...Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod...”
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.
“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kat Tsip, e,” sinasabi ng isa nang si Tata
Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng
hepe.
Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo, nagkalat ang
papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa
pagdating ng uwang iyo’y dapat nang nag-uulan. Kung may humihihip na hangin,
may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.
“Dadalhin ka siguro sa kabesera,” anang bagong paligo at bagong bihis na
alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Doon
ka siguro ikukulong.”
Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruing sementadong lapag nakasalampak
si Tata Selo. Sa paligid niya’y may natutuyong tamak-tamak na tubig. Nakaunat
ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang
butong mga kamay. Nakakiling, nakasandal siya sa steel matting na siyang
panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi nagagalaw
ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.
“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ng
tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.
“Patayon na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang marinig ang rehas
nguni’t pinagkiskis niya ang mga palad at tiningnan kung may alikabok iyon.
Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.
May mga tao na namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti iyon kaysa kahapon.
Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis.
Kakaunti ang magbubukid sabagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo.
Karamihan ay mga taga-poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi
makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang kabesa.
Nagtataka at hindi nakapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang
di pangkaraniwang hayop na itinatanghal.Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na
naman. Nang magdakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa
lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.
Nalaman ng alkalde na dumating si Saling
at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di nagtagal at si Tata Selo naman ang
ipinakaon. Dalawang pulis ang umaalalay kay Tata Selo. Nabubuwal sa paglakad si
Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.“Hindi ka na sana naparito, Saling”
wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka Saling, may sakit ka!?
Tila tulala ang anak ni Tata Selo
habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na
suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang dalawang araw. Matigas ang kanyang
namumutlang mukha. Pinaglilipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde
hanggang sa mga nakatinging pulis.
“Umuwi ka na, Saling,” hiling ni Tata Selo.
“Bayaan mo na...bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag ka nang
magsasabi....“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang
sako, hindi nga halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si
Tata Selo pagakaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling
ipinapakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang
rehas, mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y
tila huhutukin. Tinawag niya ang mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang
mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa
sementadong lapah. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila
gumigisang sa kanya. “Tata Selo...Tata Selo...”
Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng
may luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.Iyon ang batang dumalaw sa kanya
kahapon. Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umaabot sa kanya.
“Nando’n, amang, si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang
umuwi, umuwi na kayo. Puntahan mo siya, amang. Umuwi na kayo.” Muling bumagsak
ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nagpaulik-ulik, pagkaraa’y
takot na bantulot na sumunod...Mag-iikapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat
ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lilim sa istaked, sa may
dingding sa steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya,
nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin sitya sa labas, sa
kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang
sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang inutusan
niya kangina. Sinasabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde
ngunit hindi siya pinakikinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi na pagbawi ng
saka ang sinasabi.
Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay
kinuha na sa kanila, lahat, ay! ang lahat ay kihuan na sa kanila...
Mabangis na Lungsod
Ni
Efren R. Bueg
Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali,
lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong
pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang
gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang
sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa
kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na
liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng
lalabindalawang taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging
Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may
layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa
walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o
wala ang gabi— at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay
Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong
lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling
oras ng gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag
lamang mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang
bagay na hinahanap sa isang marikit. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at
mga nagtitinda ng tiket sa suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng
punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan,
naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si
Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa
at maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy
sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan.
Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa
na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong
kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang
naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng
kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad sa kanyang katawan.
“Mama…Ale, palimos na po.”
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig
na parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang
hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.
“Singko po lamang, Ale…hindi pa po ako
nanananghali!”
Kung may pumapansin man sa panawagan ng
Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam.
“Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni
Adong. Nasaktan siya sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa
kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan
ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak,
hindi lamang niya ipinapahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong
nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso,
sa lahat. Walang bawas.
“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y
nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalagay niya sa masakim
na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ding kumalansing sa kanyang
bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kanyang bituka.
“Maawa na po kayo, Mama…Ale…gutom na gutom na
ako!”
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga
patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa
pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon
ay patuloy na ibinuburol ang karukhaan.
Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng
simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga
tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na
pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan,
kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang
palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.
“Malapit nang dumating si Bruno…” ani Aling
Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaaring
makarinig
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong.
Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na
kilabot sa kanyang mga laman at nagpatindig sa kanyang balahibo ay waring
dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa
kanyang harap ang tao—malamig walang awa, walang pakiramdam—nakadarama siya ng
kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na
niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa
kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang
palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay
nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na
maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang
bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa
kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang
taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang
malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang
mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.
“Adong…ayun na si Bruno,” narinig niyang wika
ni Aling Ebeng.
Tinanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni
Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig.
Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang
bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay hindi
nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit
niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.
“Diyan na kayo, Aling Ebeng…sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis
niyang sinabi sa matanda.
“Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Makita ka ni Bruno!”
Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa
simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay
pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa
pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At
akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dabitab. Dinama niya ang tigas niyon sa
pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig
ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo
sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, na kabangisang sa mula’t
mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. At iyon ay matagal din niyang
pinakalansing.
“Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig
niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglaya. Ngunit ang mga
kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang
munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa
pangamba, at sa kabangisan.
“Bitawan mo ako, Bruno! Bitawan mo ako!” naisigaw na lamang ni Adong.
Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang
niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng
ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang
kumandong sa kanya.
Sa Pula, Sa Puti
ni
Francisco “SOC” Rodrigo
Kulas:
A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.
Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin
at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito
kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali,
ibig ko ng kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga
tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya
ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga
nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng
manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa
ba alam ang mga bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay
nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti.
Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y
hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang
ako ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan?
Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay
nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na
piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan
kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo,
Celing. Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong
isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam
tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako
magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako
sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang
pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag
mo sana akong
sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno,
diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may
pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali.
Eh…este…nandiyan si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka na.
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa
sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali,
ipusta mo ito. Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging
sabungera na rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si
Kulas ay pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy,
Celing, ano ba ang pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo
namang ipaalam kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing
pinaglalaruan mo yata ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni
Kulas. Nag-aalaala akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng
asin. Pinilit kong siya'y pigilin. Ngunit madalas kaming magkagalit. Upang
huwag kaming magkagalit at huwag maubos ang aming kuwarta, ay umisip ako ng
paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa kaniyang manok
ay pinupusta ko si Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y
matalo at nanalo si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang
aming kuwarta.Sioning. A siya nga. Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang
iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa
tabi ng simbahan, ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
Sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang
rasyon ng sabon sa tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang
pagkukumare namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay
mahalaga ang ating ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila.
Papasok si Kulas na tila walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
(Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya
kamang. Ang aking manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala
akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko
nang Makita ang anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana
iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay
upang bumili ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng
sigarilyo, hihithit at pagkatapos ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta
sa isang silya at uupong may kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas!
Akalain mo bang kanina'y natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at pinalo
nang pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang
buksingero. Biglang sabay na lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin.
Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking manok. Madalas tamaan ang kalaban,
ngunit namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at tumaas ang balahibo.
Unang lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang sugat at
patayo, ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming
natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida
ang kuwartang natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring
makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay
suwerte-suwerte lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas,
ako'u hindi natatalo sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng manok mo ay
laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang
aking manok ngunit nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko
ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita
kaibigan, ay hindi ko sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo.
Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa
iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:(Ibibigay ang tinali kay Castor).O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang
karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag
iyong dinuro ay hihina ang paa. Tingnan mo…(Anyong duduruin ni Castro ang hita
ng tinali.) Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang
makahahalata sa ating ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang
manok na iyan ay hindi makapapalo.Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring
manalo ang manok na iyan…Siguradong matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa
sabungan…ilaban ang manok na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:(Balisa)Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal
na hindi gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa
iyo. Ito'y gagawin mo lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa
bahay…Buweno, hintayin mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha?
At nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka
niya rito. Huwag ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo.
Sumunod ka agad, ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at
hahangaan ang nadurong hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang
lahat ng aking tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang
salapi sa baul)
Kulas:(Kukunin ang salapi)
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno,
diyan na muna kayo, hane?(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang
tinali).
Celing:(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:(Magugulat sa dami ng salapi).Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:(Hindi maintindihan)ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking
ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang
bisyo ay nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at
kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo
nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo
ako. Noong ang aking asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang
araw sa kanilang klub at sa harap ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang
talampakan. E, di mula noo'y hindi na siya nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng
bahay nang may limang araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien,
tsokolate na naman kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang. (Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag
silang mag-abot ni Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad
na ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala(Papasok si Teban)
Teban:(Walang sigla)Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban,
magpunta ka na sa kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:(Nalulungkot)Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman
mababawasan ang iyong kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang
maninikit sa sabungan.(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako
magsasabong kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:(May hinala)Kulas, huwag mo sana
akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa
buwisit na si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung
piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:(Lalo pang maghihinala)Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang
kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung
piso. Sino baga ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:(Magliliwanag ang mukha)A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng
kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e,
natalo po, e.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit natalo sa Kulas,
samakatuwid nanalo ka.
Teban:(Hindi maintindihan) Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan.
Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y
sabungerang pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:(kay Celing)A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para
kahit ikaw ay manalo o matalo ay hindi tayoawawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako
pala'y parang ulol na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban,
saan mo dinala ang pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban
din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Celing:(Kay Kulas)Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at
pumusta ako sa manok ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang
diyaskeng manok ng kalaban at nanalo ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyope(Tatawa)
Kulas: Aba, at
nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:(Tumatawa pa)Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan
mamayang gabi. At anyayahon mo sina Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan.
Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni
Ate Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit
apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo
kailangang bumili pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo at ang
tatlo ay sasabawan.
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit
ay tatawa rin siya. Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit
makikita sa kilos ni Kulas na kailanman ay hindi na siya magsasabong.
Saan Patungo ang Langaylangayan
Iisa lamang ang aking mithi. Ang makalaya sa
kaalipinan. Pagkat alipin ako.Alipin ako ng aking sariling pagananasang
guminhawa at lumigaya ngunit nababakla ang daigdig na sa wari’y lumalaki, at
ako’y naiiwan tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat. Alipin ako
ng sariling nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?)
gangga-binlid na sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang makatawid
sa dagat ng pakikitalad na payapa kung minsan ngunit kadalasa’y maalimpuyo.
Alipin ako ng sariling pagkat luwad ay makaluwad, pagkat ako’y sa tao ang puso,
diwa at kaluluwa. (Ngunit hindi ba ako’y likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis?
Nasaan ang pagkawangis na iyon? Nasaan ang aking pagka-Diyos?)
Ito ang aking mithi: Paglaya. At ako’y
nagtatanong: Ano ang paglaya?
Ang paglaya’y ang pagkakilala sa sariling
kakayahang mabuhay sa daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na
kahulugan ng buhay (na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging
kapighatian). Ang paglaya’y ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at
ang pagkatulong malutas ang mga ito. Ang paglaya’y ang pagkaunawa sa puu-puong
kahulugan ng damdamin ng tao. Ang paglaya’y ito: ang pagkaunawa sa sarili at sa
daigdig. Ngunit paano ko mauunawaan ang aking sarili?
Sa salamin, ang larawan ko’y mistulang ako:
naroon din ang buhok na dating malago, ngayo’y manipis, ang mukhang hawas na
may guhit na ng hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno’y mahagway
ngayon. At sa kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba
ang iyong sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na
larawan, ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat hanggang
ngayo’y gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng karuwagan, alipin pa
rin ako ng kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa sa aking sarili, lubha pa sa
kaninuman: ako’y hindi malaya at ngayon, akong dating maraming makamit, akong
dating maraming nais marating, akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may
iisang pagnanais na lamang – ang makalaya sa kaalipinan.
Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa
kabundukan, sa bayan, sa ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga,
sa kanluran, sa timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang
hinahanap ko. Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito’y tila hanging
malayang malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito’y tila
hanging malayang madarama (ngunit mukha ko’y namamanhid). Paano ang malayang
paglanghap ang malayang pagdama, paano?
Sa salamin ay naroon ako. Ako’y lalaking
tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng nilikhang sa tadyang ko nanggaling.
Bakit nangyari ito, sa akin ang buong Paraiso; walang hapis, pawang ligaya. At
nang ito’y naganap, nawala ang ligaya, nahalili’y hapis. At ako’y napahiya sa
sarili, unang-una. Tumingala ako. Sa kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap
ko ang Maykapal, ngunit wala siya. Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit
biningi ako ng katahimikan. Nasaan ka, Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng
pangamba at agam-agam ang aking katauhan. Mawawala na sa akin ang mga biyayang
kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang Serafin, batid kong tuluyan nang
nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na ako malaya: pagkat alipin na ako ng
aking sariling pagkasala.
Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan. Buhat
sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may tataluntuning landas sa paghanap
ng kalayaan ng dating kaginhawaan at kaligayahan, ngunit saan? Di ba tanging
Paraiso lamang ang katatagpuan ng walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng
langit ay naroon ang nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang
langkay-langkay na mga ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang
langay-langayan? At ako, kasama ang sa aki’y nagbuhay, katulad ng
langay-langayan, ay saan patungo? Saan masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang
kalayaang sa wari’y tuluyan nang nawaglit?
Ito ang natitiyak ko: habang may buhay ,
ako’y ako rin: ang tao. At saka ito: ang patutunguhan ko’y walang katiyakan,
pagkat inilulunsad ko ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa
akin at sa kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso.
Ang daigdig ay totoong malawak: hindi
masundan ng aking paningin ang haba’t luwang nito. Batid ko na kung makalalagos
ang aking paningin sa tinutuntungan kong lupa’y hindi maaabot ng tingin ang
lalim nito. Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing
ang tubig ay kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito’y
makikita ko ang pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago niyon.
Subalit hindi: ang dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng tubig, magagawa
mo’t masasalat ang kanyang kanipisan, ngunit sa kabila nito’y hindi mo makikita
kung ano ang inililihim sa ilalim.
At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at
ako, kasama ang sa aki’y nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang
may isang mahalagang bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko
maware ang sarili: kaya marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan,
pagkat nababalot ng hiwaga ang Tao.
Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang
init. Sumalab sa balat. Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang
punong aming natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit
pagod na kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga
talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso: doon, ang
nayayapaka’y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na kami sa Paraiso.
At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na iyon ay nakadarama na kami
ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan. Patuloy ang paggiti ng saganang pawis.
At kumakalam na ang aming sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong
kinatitigilan namin ay may bungang nakabitin. (“Huwag ninyong kakainin ito.”
Walang gayong tinig kaming naririnig. Gaya
noong makalimot kami.) iniabot ko yaon: ngunit mataas ang sanga, hindi kayang
lundagin. Kailangan kong akyatin ang puno. Ito ang pakikitalad, ito ang
pakikipamuhay, ito ang kaalipinan. Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng
daigdig, ng buhay. Hindi na ako malaya.
Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw – naroong
sumilip, sumikat, kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit – naroong
bughaw, abuhin, itim. At noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin – naroong
mayumi, masungit, mabangis. Ang mga ito’y tanda ng kawalan ng katiyakan ng
anumang bagay sa daigdig. Ito ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng nilikha.
Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga
damdaming kay hirap unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili.
Gayundin ang nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang
pakikipagsapalaran, gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig, laban
sa sungit ng panahon at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa init at lamig,
sa panahon at kalikasan. Ngunit ano itong pakikipagtunggali sa kalikasan? Di
ba’t sa kalikasan kami nabubuhay? (Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa
katotohanan – nagbibigay-kulay, nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat
hindi ba kapag may hiwagang nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi?
Ang pagsisikap na ito ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at
halaga.).
Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko
nanggaling ay magkasama habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa
pakikipagtunggali. Pagkat siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo’y pawing
ligaya!) Ngayon ay hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko
na matitigang matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may
nadarama akong kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop, malambing,
magiliw, kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil ang nadama ng aking
katambal. Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang dadalawa lamang kami sa
daigdig (“Hayo at magsupling!”) kailangan naming ng kasama. Nasaan ka,
manlilikha! Nasaan ka, Diyos! Narito! Narito! Nasa aking sarili: ako ang
manlilikha, ngunit sa aba ko, hindi ako ang Diyos! Ito ba ang bahagi ng
pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming nadarama ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang
lalong makabuluhang katuturan: maalab, mapilit, mabangis!
Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon
nagbuhat. Sa ganyan ding damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at
lahat ay sa damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko,
ay nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng
paglikha sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng Diyos,
kayrami niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi mapupuwing ang
katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng Diyos na isinapi sa
Tao.
Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong
kawangis, kayrami kong kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng
daong naming nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang
damdaming taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay
nabigyang-tiis, naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o pagbukod,
pakikipagtalik or pakikipagalit. Sumibol ang pakikipag-unawaang naging
pakikipag-digmaan.
Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa
daigdig na ito ay isang malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso’y napalutang
na ako, kasama ang sa aki’y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano
itong pakikipaghamok – pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito’y
pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama ko rin
ang iba-ibang damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos, sa aking mga
supling sa lahat at lahat. Sa Tao.
At habang umiinog ang araw – sumisilip,
sumisikat, kumukubli ay nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko,
nalalanghap ko. Ang mga pagbabagong lalo’t laong naglalayo sa akin sa Paraiso.
Nawawala, nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako’y tila ganap nang
magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi: Diyos ko,
Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.).
Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang
gusaling naitayo: bato, kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga
halamang tanim ng mga Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit
Diyos ko, ako man ay nagbabago; nawawala ang dating lakas – tumatakas,
tumatakas. Ngunit kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang
tumibay ang katawan ko sa pakikitunggali sa buhay.
Marami-marami na ang aking mga supling:
marami na ang tao. Lumalawak ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip:
sa malas ay lumiliit ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang
daigdig, pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng
daigdig: may puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami:
lumalaki, lumalaki ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng buhanging
makapuwing ma’y di makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko’y walang lakas pagkat
wala akong laya, taghoy ko’y walang tinig.)
Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang
mga tao ng mga wika at paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga
makipag-unawaan sa isa’t isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at
sulat (sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito’y ng-uugat ang
di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa ring
kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang salita ring
dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot ang
pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito’y mga tanda ng pagkagapi, ng
pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa sariling nagkasala,
hindi, hindi nga ako malaya!
Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May
mga kasangkapang tanging kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang kumilos, lumakad,
manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito’y ipagtatanggol hanggang sa
magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga kagamitang kanya: iilang malapit
sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi ang inggit at pag-iimbot, pagkat
may mga taong nagnanais na magkamit ng ari ng iba. Kung may mga supling akong
mapanarili, mayroon pa ring naging mapagkamkam. Sa salamin ay minasdan ko ang
aking larawan, pagkalipas ng maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak
na ang aking buhok.
Patuloy ang buhay: pumipintig, kumikilos, humahalakhak
sa lahat ng dako ng daigdig. Lumalakad sa lupa, napapatitianod sa tubig,
lumilipad sa himpapawid, iyan ang buhay. Patuloy rin ang Tao sa kanyang
pakikipaghamok sa sarili at sa daigdig. At ako’y patuloy sa paghahanap ng tunay
na paglaya sa kaalipinan sa sarili.
Nalikha ang maraming bagay na panghalip sa
ibang niyari ng Maykapal. Nakagawa ang Tao ng maraming bagay na wari’y
nakaligtaang ipagkaloob ng kalikasan. Sino ang may-ari nito? Tutugon ako, na
Taong mapanarili: Ako. Subalit ako’y hindi lamang nag-iisa. Marami ako:
libu-libong ako, laksa-laksang ako. At naroroon sa lahat ng dako. Iba-iba ang
aking anyo, ugali, wika, iba-iba ang aking larawan. Subalit sa tanaw ng Diyos
na lumikha sa akin ay iisang lahat ng ito. Ang Tao’y iisa, iisang kalahatang may
iba-ibang tibok at pintig.
Nais lupigin ng Taong nakikipaghamok sa
sarili ang buong daigdig, ang buong sansinukob. Ang kalawakan ay nais masakop,
nais maangkin. Ngayon ay nalikha ang isang kababalaghan. Lumilitaw ang
pagkamanlilikha ng Tao, lumilitaw ang kanyang pagka-Diyos – Ito na kaya? Ito na
kaya ang kalayaang laon nang hinahanap ng Tao?
Ngunit hindi, hindi, hindi pa ito ang
kalayaang pagpakilala sa sarili at pagkaunawa sa kahulugan ng buhay. Hindi pa
nga ito pagkat hindi pa nakikilala ng tao ang kanyang sarili, hindi pa niya
nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay. Bakit?
Banyaga
ni
Liwayway Arceo
Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi
miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita.
Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon - kung Araw ng mga Patay at kung
Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga
sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang
katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat
matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.
At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang
likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang
kanyang buhok
Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya
bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
"Serbesa ba 'kama, bata ka, ha?"
Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo
nito, idinigtong niya ang paliwanag. "Hindi masama'ng amoy, Nana."
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin
nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa
gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang
malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na
saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.
"Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!" at nauulinigan niya ang
buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.
Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung
nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa
pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang
Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita
siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya
ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may
kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na
bukas ang nguso.
"Sino kaya'ng magmamana sa mga pamangkin mo?" tanong ngayon ng
kanyang Nana Ibang. "Ang panganay sana
ng Kua mo...matalino..."
"Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa 'kin papapag-aralin ko sa Maynila.
Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung
sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan..."
Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang
kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib. "Tigas nga naming iyakan nang
lumawas ka..." ayon ni Nana Ibang.
"Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba 'ko
sa timpalak na 'yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?"
Malinaw sa isip ang nakaraan. Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang
may dumaping panyolito sa kanyang batok. "Pinapawisan ka an, e. Ano bang
oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?" "Alas-tres daw. Hanggang
ngayon ba'y gano'n dito?" at napangiti siya. "Ang alas-tres, e,
alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na
rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika..."
"Naiinip ka na ba/" agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
"Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong
makabalik din ngayon sa Maynila."
"Ano? K-kahit gabi?" Napatawa si Fely. "Kung sa
Amerika...nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon
ba 'kong wala sa Pilipinas? Ang totoo..."
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni
Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha
nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang
makita siya kangina.
Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang
gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa
kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi
at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang
maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang
isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy
ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong
kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay
sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang
nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.
"Ayan naman ang kubyertos...pilak 'yan!" hiyang-hiyang sabi ng
kanyang hipag. " 'Yan ang uwi mo...noon...hindi nga namin
ginagamit..."
Napatawa siya. "Kinikutsara ba naman ang alimango?"
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang
mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka
ba nagbago ng loob, di sana'y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi...hindi
ka darating...
Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya - ngayon lamang
gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School.
Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan
ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang
mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na
nagtapos sa kanila.
Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa
harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang
ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang
kanyang sapatos na mataas at payat ang takong. "Sa kotse n," ang sabi
niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka ako hindi
makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya
ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse
ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang
lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.
"Ako nga si Duardo!" Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala
sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang
sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni
Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo. "Bakit hindi ka
rito?" tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. "May
presidente ba ng samahan na ganyan?" "A...e..." Hindi
kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita
nito ang panginginig ng mga labi. 'A-alangan...na 'ata..." Nawala ang
ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking
naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang
kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
"Natutuwa kami at nagpaunlak ka..." walang anu-ano'y sabi ni Duardo,
"Dalawampu't dalawang taon na..." "Huwag mo nang sasabihin ang
taon!" biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. "Tumatanda
ako."
"Hindi ka nagbabago,' sabi ni Duardo. "Parang mas...mas...bata ka
ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni Menang..." "Menang?"
napaangat ang likod ni Fely.
"Kaklase natin...sa apat na grado," paliwanag ni Duardo. "Kami
ang..." at napahagikhik ito. "Kamakalawa lang isinilang ang aming
pang-anim...'
"Congratulations!" pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya
biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.
"Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon," patuloy ni Duardo nang hindi
na siya kumibo. "Ibang-iba kaysa...noon..."
"Piho nga," patianod niya. "Hindi naman kasi 'ko nagagawi sa
bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa 'kong nagmamadali..."
"Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita..."
Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang
mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya
ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa
mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan
niya kung alin.
At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong
nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya
nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.
Kinagisnang
Balon
ni
Andres Cristobal Cruz
Sinasabing walang lampin sa purok ng Tibag na
hindi nilabhan sa tubig na sinasalok sa malalim, malaki’t matandang balon.
Sinasabing walang nagluto ng pagkain at naghugas ng kinanan sa Tibag na hindi
gumamit ng tubig sa balong iyon. Sinasabing walang naligo sa Tibag na hindi
nagbuhos ng malinis at malamig na tubig na siyang biyaya ng matatandang balong
tisa. Anupa’t masasabing walang isinilang at inilibing na taga-Tibag na hindi
uminom o binindisyunan ng tubig na galing sa kanilang balon. Kung iisipin,
masasabi rin na ang buhay at kamatayan ng mga taga-Tibag ay nasa balong iyon.
Mahalaga nga ang gayon, ngunit ang bagay na ito’y hindi nila pinag-uukulang
masyado ng pansin. Sa kanila, ang balon ay bahagi ng kanilang buhay at
kapaligiran, bahagi na ng kanilang mga kinagisnang alamat at mga paniniwala’t
pamahiing imumulat nila sa kanilang mga anak, at imumulat naman na mga ito sa
susunod nilang salinlahi. Walang nakatitiyak kung kailan hinukay ang balong
iyon. “Noon pang panahon ng Kastila,” anang matatanda. “Hindi pa kayo tao,
nandiyan na ‘yan,” giit naman ng iba. At parang pagpapatunay, patitingnan ang
mga tisang ginamit sa balon. Kauri raw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng
Intramuros o kaya’y sa mga pinakamatatandang simbahang katoliko sa Pilipinas.
Ipaglalaban naman ng iba na ang balon ay hinukay, o sa lalong wastong salita ay
ipinahukay ng mga maykapangyarihan noong panahon ng mga Amerikano.Katunayan
daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luzon,
ang may mga balong katulad ng nasa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga
ganitong balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang
kolerang ilang beses nang kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libu-libong
pagkukunan ng tubig ay nasa labas ng bayan, porlomenos, madali ang pagsugpo sa
kakalat na makamandag na kolera. May kalabuan man, kung sa bagay, ang ganoong
pala-palagay, wala namang magagawa ang mausisa. Basta’t iyon daw ang
paniwalaan, tapos ang kuwento! Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang
pikon kung kokontrahin mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim,
lalo na kung patay ang buwan, may malignong lumilitaw sa may balon. Magtago ka
raw at sumilip sa likod ng mga punong kakawate, kung minamalas ka, makikita mo
na lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae sa may balon. May
inaaninaw daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o maaaring nilunod sa
balon noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw, mga kung anu-anong
hayop ang nagsisilabasan sa may balon at nag-uungulan. At ano bang
mali-maligno! Naisipan daw ng ilang kabinataan ang magpahatinggabi sa likod ng
mga punong kakawate. At ano ang natuklasan nila? Ang nananakot ang siyang
natakot. At nang magkabistuhan na, humangos daw itong may kinakapkap na kung
ano at hinabol ng mga nakatuklas. Hindi matapus-tapos ang sisihan nang makasal
nang di oras ang dalawang “maligno” na walang iba kung di ang tanging biyudo’t
pinakamatandang dalaga sa Tibag. Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon
ng Tibag. Sa may balon naglalaba’t naliligo ang mga dalaga’t kababaihan. Kung
naroon na ang mga dalaga, panay naman daw ang hugas ng paa ng mga binata.
Naroon na ang nakawan ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng
saboy ng tubig o mga hindi natutuloy na pagbabantang magsumbong. Ang ingay ng
mga batang nagsisipaligo, ng mga balding pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil
na hagikgik ng mga babae, harutan ng mga dalaga. Marami ang makapagsasabi sa
Tibag, ang buhay-buhay, tulad ng matandang balon, ay siya na nilang kinagisnan,
kinamulatan pa rin ng kanilang mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman
nito. Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Aguwador. Siya lamang ang
aguwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, ay para gamit
lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang nagsusunong
ng banga ng inumin, balde o golgoreta. Hanapbuhay ni Tandang Owenyong Aguwador
ang pag-iigib ng tubig. Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa Tibag at
pinupuno din niya ang mga tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib sa mula’t
mula pa. Ito ang mga pamilyang kung nagpipista ay siyang pinakamaraming handa’t
bisita, mga nagiging hermano o punong-abala sa mga komite de festejos. Ito rin
ang ipinag-iigib ng ninuno ni Tandang Owenyo. Maglilimampung taong gulang na si
Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit ng kanyang kulay abong buhok. Pangkaraniwan
ang taas, siya’y laging nakakamisetang mahaba ang manggas at kapit sa katawan.
Matipuno at siksik daw ang katawan nito noong araw. “Ba’t naman di
magkakaganoon e sa banat ang kanyang buto sa pagsalok n’on pa man,” sabi ng
iba. “Di ba’t ‘yan ‘kamo,” dagdag ng ilan, “aguwador din?” “Di ba’t ang Ba
Meroy ay aguwador din?” “Aba,
siyanga, ano?” Ang pangalan ng ama ni
Tandang Owenyo ay Ba Meroy. Namatay ito noong panahon ng Hapon. “Pero ‘ala pang
giyera,” pilit ng iba, “umiigib na ang Tandang Owenyo.” Minana na niya ang
opisyong iyan.” “E, si Nana Pisyang Hilot? Di ba’t sa balon sila…” “A, oo! Doon niligawan ng Tandang Owenyo si Nana Pisyang. Ipagtanong
mo.” “Labandera na noon si Nana Pisyang?” “Labandera na. Ang ipinag-iigib ng
Tandang Owenyo ang siyang ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda
ang kanilang istorya, e.” “Ang Da Felisang Hilot?” “Aba, e labandera rin ‘yon. Tinuruan naman
niyang manghilot ang kanyang anak. ‘”Yan nga si Nana Pisyang.” “Tingnan mo nga
naman ang buhay.” “Sa Amerika ba, merong ganyan?” “Pilipinas naman ‘to, e!
Siyempre dito sa ‘tin, pasalin-salin ang hanapbuhay.” “Mana-mana ang lahat.”
“Si Ba Meroy aguwador, puwes, si Tandang Owenyong anak ay aguwador din.” “At si
Nana Pisyang ng Da Felisa, labandera.” “Pero si Nana Pisyang humihilot din.”
“Ow, ano ba naman ‘yon? Di naman araw-araw e me nanganganak. Saka, bigyan mo na
lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na.” “Me pamamanahan na sila ng
kanilang mga ikinabubuhay.” “Di nga ba’t katu-katulong na ng Nana Pisyang sa
paglalaba’t paghahatid ng damit ang dalagita niyang si Enyang? Meron na siyang
magsisiksgreyd.” “At si Narsing nila?” A, si Narciso ba? Sayang. Tapos ng
hayskul, hindi na nakapagpatuloy.” “Ow tama na ‘yon. Tapos ka’t hindi, pareho
rin.” “Si Narsing ang me ulo. Laging me dalang libro e!” “Sa library nga raw sa
kabayanan nagbabasa’t humihiram ng libro.” “Minsa’y nakita kong may kipkip na
libro. Tinanong ko kung ano.” “E. ano raw?” “Florante at Laura daw.” “Tingnan
mo nga ‘yan. Sayang na bata. May ulo pa naman.” “Balita ko’y ayaw
mag-aguwador.” “Nahihiya siguro. Biruin mo nga namang nakatuntong na halos sa
kolehiyo at sa paaaguwador mapupunta. Ba’t nga naman iyong iba. Karabaw inglis
alam e mga tente bonete na.” “Kayo, pala, oo! Para
naman kayong bago nang bago sa Pilipinas. Pa’no me malalakas na kapit ‘yon!”
“Di aguwador din ang bagsak ni Narsing!” NAGHIHIMAGSIK si Narsing. Ayaw niyang
pumasan ng pingga. Totoo nga na umiigib siya. Ngunit iyon ay para gamit lamang
nila sa bahay. At gusto pa niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa gumamit ng
pingga. Sabi ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung magpingga
lamang si Narsing mapagkakamalan daw itong si Tandang Owenyo noong bagong tao
pa ito. Iyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin,ng mga
naghuhuntahan sa harap ng tindahang sari-sari sa tapat ng lumang kapilya. Kung
naririnig ni Narsing ang gayong sabi-sabi lalo lamang sumisidhi ang kanyang
paghihimagsik. At ito’y may kasamang malalim na hinanakit. Nagsasampay ang
kanyang ina nang siya’y magpaalam isang umaga. Ang apat na alambreng sampayan
ay lundung-lundo sa bigat ng malalaking sinampay. Hindi na nakita ni Narsing na
ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhan sa may gilid ng bakod na siit
ay walang latag na kinula. Sa kabilang gilid ng bakuran hanggang sa duluhang
papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng putpot, na ang talbos ay naagad.
May kapirasong balag na ginagapangan naman ng upo. Binigyan si Narsing ng
kanyang inang Nana Pisyang ng konting babaunin. Ito’y naipon sa paglalaba’t sa
pinagbilhan ng ilang upo at talagang inilalaan para sa susunod na pasukan ng
mga bata. Nakituloy si Narsing sa isang tiyuhin sa Tondo, sa Velasquez. Sa
area, naglalakad siya’t naghahanap ng mapapasukan… Kahit na ano, huwag lamang
pag-aaguwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung anu-anong
kumpanya’t pagawaan ang kanyang sinubukan. Pulos naman NO VACANCY at WALANG
BAKANTE, ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya.
Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang madalas na mga
tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito’y me dala pang sulat na galing sa
ganoo’t ganitong senador o kongresman. Natatawang ibig maluha ni Narsing.
Binabale-wala na pala ng mga ito kahit na pirma ng mga pulitiko. Maski siguro
si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho ang
balanang puntahan ni Narsing. Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan ng Intsik. Subukin na nga ‘’to, sabi
niya sa sarili habang pumapasok siya sa isang ektarya yatang gulayan na
binakuran ng mga alambreng matinik. Kinausap niya ang Intsik na nakita niyang
nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na tabla. Taga-alis ng uod, magpala o
magpiko sabi ni Narsing sa Intsik. “Hene puwede,” sagot ng Intsik, “hang lan
akyen tlamaho. Nahat-nahat ‘yan akyen lang tanim, dilig.” “O, paano, talagang
wala?” sabi ni Narsing at napansin niyang tumigas ang kanyang boses. Para siyang galit. “Ikaw gusto pala ngayon lang alaw,
ha,” sagot ng Intsik. Nangingiti-ngiti. “Akyen gusto lang tulong sa ‘yo. “O
sige, ano?” “Ikaw, kuha tubig, salok sa balon, dilig konti. Ikaw na gusto?”
Ibinigay ng Intsik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera. Kinabukasan ng
hapon nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa Velasquez. Sumakay na siya
ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa Tibag.Pangkaraniwan na sa
Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabahong bago at hindi minana. Habang daan
ay inisip-isip niya kung paano niya maiiwasan ang kanyang mamanahing hanapbuhay
na halos pantawid-gutom lamang, ang isang kalagayang pagtitiis mula sa umpisa
hanggang sa katapusan, walang kamuwangan, hirap, at laging nakasalag, kung
hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa pagsasamantala naman ng marami. Mabuti pa,
sabi ni Narsing sa sarili, hindi na ’ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang
kanyang isip at guniguni sa sanlibu’t sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at
sa maraming paghahamon ng buhay na di niya maubos-maisip kung paano
mapananagumpayan. Magtatakip-silim na nang dumating siya sa Tibag. Dinumog siya
ng mga paslit na nagtatanong kung mayroon siyang dalang pasalubong. Wala, wala
siyang dala. Ang sumunod sa kanyang si Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan
sa lumang dulang. Habang sila’y kumakain, naramdaman ni Narsing na naghihintay
ang kanyang ama’t ina ng kanya pang isasalaysay tungkol sa kanyang paghahanap
ng trabaho sa Maynila. Ano naman ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman
tungkol sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho? Inalok siya nang inalok at
pinakakaing mabuti ng kanyang ina. Animo’y nagkandagutom siya sa Maynila.
Pasulyap-sulyap siya sa kanyang amang nasa kabisera ng dulang. Nagpupuyos ang
kanyang kalooban sa kanyang nasasaksihan. Nag-aagawan ang mga paslit sa ulam.
Tipid na tipid ang subo ng kanyang ama’t ina. Marami pa silang inom ng tubig
kaysa sa subo ng kanin. Ang ulam nila’y kamatis at bagoong na may talbos na
naman ng kamote, isang mangkok na burong mustasa at ilang piniritong bangus. Maya’t
maya ay sinasaway ng kanyang ina ang mga batang parang aso’t pusa sa
pag-uunahan sa pagkain. Sa buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos
nagkaroon ng mumo sa dulang. Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung
magsabaw sila sa sinigang o minsan sang buwan nilagang karne, halos sambalde
ang ibubuhos na tubig para dumami ang sabaw. Habang lumalaki’t dumarami ang
subo ng mga bata, dadalang naman nang dadalang at liliit ang subo ng kanyang
ama’t ina. Siya man ay napapagaya na sa kanila. Ang ganoong tagpo ay kanyang
pinaghihimagsikan. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan
niya ang kanyang mga kapatid na palihim na waring nagsusukat ng mga damit na
mahuhusay na ipinaglalaba’t ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon
ng kanyang paghihimagsk na matapos na sa pagiigib ng kanyang ama at napapansin
niyang dumarami ang kulubot sa ulo kung nakikita itong pasan-pasan ang pingga’t
dalawang balde na animo’y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala
nang katapusan. Noong gabing iyon. nagkasagutan sila ng kanyang ama. Nakaupo si
Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mababang hagdan. Nakatingin siya
sa duluhan ng bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim ng
gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran
niya. “Gayon din lamang,” mungkahi ng kanyang ama sa malumanay na boses, at
ibig mong maghanapbuhay, subukin mong umigib.” May idurugtong pa sana ang
kanyang ama, ngunit hindi na nakapigil si Narsing. Malakas at pasinghal ang
kanyang sagot. “Ano ba naman kayo! Aguwador na kayo, gusto n’yo pati ako maging
aguwador!” Napatigagal ang kanyang ama. Ang kanyang ina’y napatakbo at tanong
nang tanong kung bakit at ano ang nangyari. Minumura siya ng kanyang ama.
“Bakit?” wika nitong pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig. “Ano
ang masama sa pag-aaguwador? Diyan ko kayo binuhay!” Nakatayo na sana si
Narsing, ngunit sinundan siya ng kanyang ama’t buong lakas na hinaltak at inundayan ng sampal. Parang natuklap
ang mukha ni Narsing, Itinaas niya ang isa niyang kamay upang sanggahin ang isa
pang sampal. Nakita niyang nagliliyab ang mga mata ng kanyang ama. Sumigaw ang
kanyang ina. may kasama itong iyak. Yakap siyang mahigpit ng kanyang ina. Huwag
daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata’y umiiyak at humahagulgol na parang
maliit na hayop. Lumayo ang kanyang ama’t iniunat ang katawan sa isang tabi ng
dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin ang kanyang sinasabi. Nag-aral ka pa
naman, sayang. Oy, kung me gusto kang gawin, sige. Di kita pinipigil. Darating
din ang araw na mararanasan mo rin… mararanasan mo rin.” Kung anu-anong balita
ang kumalat sa Tibag. Kung umiigib si Narsing ng tubig para sa kanilang bahay
hindi siya pinapansn ni binabati tulad ng dati. Ganoon din ang kanyang ama.
Waring nahihiyang magtanung-tanong ang mga tao, ngunit hindi nahihiyang sa
kani-kanilang sarili’y magpalitan sila ng tsismis at mali-maling palagay. ISANG
linggo pagkatapos ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang Tandang Owenyong ay
nadisgrasya sa balon. Nadupilas ito at mabuti na lamang daw at sa labas ng
balon nahulog. Kung hindi raw, patay. Ang dibdib ng matanda ay pumalo sa mga
nakatayong balde at ito’y napilayan. Nabalingat naman ang isang siko niya. Sabi
ng marami ay nahilo ang matanda. Ang iba’y nawala sa isip niya ang ginagawa.
Nilagnat pa si Tandang Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na manghihilot
na tagaibayo. Nakikiigib ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa iba. Kailan daw
ba iigib uli ang matanda. Walang malay gawin ang ina ni Narsing. Ang kanilang
dati nang malaking utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong lumaki sa
pagkakasakit ng matandang aguwador. Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa
bahay ay may naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit
daw hindi pa siya ang sumalok. Sayang daw kung ang kinikita ng ama niya’y sa
iba mapupunta. Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi noon. Iyon, sa
palagay na ni Narsing, ay patotoo sa paniwalang siya ang talagang magmamana sa
gawaing iyon ng kanyang ama. KINABUKASAN, hindi nangyari ang inaasahang
mangyari ni Narsing. Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan.
Nalapnos ang kanyang balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa
pag-aakyat-panaog sa mga hagdang matatarik, sa pagsalin at pagbuhat ng tubig.
Siya na ang umiigib. Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hinihigang sahig.
Nakikita niya ang malalayong bituin. Narinig niya ang mga mumunting hayop at
ang alit-it ng mga kawayang itulak-hilahin ng hangin. Sa malayo’y may asong
kumakahol na parang nakakita ng aswang o ano. Hindi siya nakatulog. Marami
siyang iniisip. Naalaala niya noong siya’y nasa hayskul. Bago siya maidlip, sa
guniguni niya ay nakita niyaang kanyang sariling kamukha ng kanyang amang
animo’y isang Kristong pasanpasan ang pingga’t dalawang balding mabibigat.
Naisipan din niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo’y hindi na
kanila’t inuupahan na lamang. Maaga pa’y bumaba na ng bahay si Narsing. At
siya’y muling umigib. Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal siya’t parang hindi
na niya kayang ituwid ang kanyang mga tuhod. Noong hapon, naghihintay si
Narsing ng kanyang turno sa balon. Nagbibiruan ang mga dalaga’t kabinataan sa
paligid ng balon. May tumatawang nagsasabing binyagan ang kanilang bagong
aguwador. 96. “Binyagan si Narsing!” sigaw ng mga nasa paligid ng balon, at may
nangahas na magsaboy ng tubig.
Bangkang Papel
ni Genoveva
Edroza-Matute
Nagkatuwaan
ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula
nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob
ng tatlong araw ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay
ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan. Ilang maliliit na bata ang
magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong
sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
Sa tuwi akong
makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang
lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na
hindi niya napalutang sa tubig kailanman...
Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat.
Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding
malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit
pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na
pumapatak mula sa kanilang bubungan. Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang
mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi
niya malaman kung alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang
pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang
ina. Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan.
Ang paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay,
ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang
bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako. Muling nahiga ang nagbalikwas
at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
“Inay, umuulan, ano?”
“Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
“Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
Sumagot ang tinig
ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod at
humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si Miling.
Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y
nakita niya ang banig na walang tao.
Ibinaba niya ang
likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng
kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at
ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos
ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya’t ang kalahati ng
kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing kalahati.
Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag
kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig. Anong
lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok
muli sa kumot.
“Inay,” ang tawag
niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
“Ewan ko,” ang sagot
ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang
ginawa mo.”
Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang
aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng tubig.
Dali-dali siyang
nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap.
Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina.
Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang
kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita:
“Siya, matulog ka
na.”
Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa
malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At ang ulang
tangay-tangay noon.
“Marahil ay hindi na
uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing
hindi umuuwi ang kanyang ama.
“Saan natutulog ang
Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit
ito’y hindi sumagot.
Sinipat niya ang mukha upang alamin kung
nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita.
Bago
siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay
ito. Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang
tapat... At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap
ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na
pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong,
sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at ulan...
Ang kinabukasan ng
pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating... Ngunit
kakaibang kinabukasan. Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang
nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.
Pupungas siyang bumangon.
Isang kamay ang
dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y si
Aling Berta, ang kanilang kapitbahay. Hindi niya maunawaan ang tingin noong
tila naaawa. Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising
ang kanyang ulirat.
Naroon ang asawa ni
Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing,
si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
Nahihintakutang mga batang humanap kay kay Miling at sa ina. Sa isang sulok,
doon nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang
kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na
hinahaplus-haplos ng kanyang ina.
Ang mukha ng kanyang
ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo’y
hindi pumupikit, nakatingin sa wala. Patakbo siyang lumapit sa ina at
sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang
nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
Ngunit tila hindi
siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang kamay
noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling. Nagugulumihang lumapit ang bata
kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang natigil nang
siya’y makita.
Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang
lahat ang nangapatay...”
Hindi niya maunawaan
ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng
kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita. Sa pagitan ng mga
hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...
“Bakit po? Ano po iyon?”
Walang sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi.
Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at
wala na.
Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
“Handa na ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na
kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa
man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang maaaring
maiwan.”
Matagal bago
naunawaan ng bata kung ano ang nagyari. Sila’y palabas na sa bayan, silang
mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming-maraming tao, at ang
kani-kanilang balutan. Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang
pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay.
Sa labinlimang
nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng bayan...sa sagupaan
ng mga kawal at taong-bayan. Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa
kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa paghakbang.
“Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
Ang mga bata noong
nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha.
Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita.
“Iyon din ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman.”
Samantala...
Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang
tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan. Ang gabing yaon
ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang
papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang
tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang
inihahanap ng tugon. Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay
nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking
gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang
kailanman...
Sa Bagong Paraiso
ni
Efren Reyes Abueg
Nilisan ng batang lalaki at batang babae ang
kinagisnang daigdig upang lasapin ang biyayang handog ng itinuturing nilang
Bagong Paraiso.
Sa simula’y mga bata silang walong taong
gulang - isang lalaki at isang babae. At ang kanilang daigdig ay isang malawak
na loobang tinitirikan ng dalawang tabla’t yerong bahay, na ang isa’y nasa
Silangan at ang isa’y nasa Kanluran: at sa pagitan niyon ay walang bakod na
nakapagitan.
Ang malawak na looban ay mapuno, mahalaman,
maibon, at makulisap at may landas na humahawi sa dawagan at tumutugpa sa
dalampasigang malamig ang buhangin kung umaga, nguni’t nakapapaso sa
tanghalian.
Ang kanilang daigdig ay tahimik; ang kanilang
kabuhayan ay hindi suliranin; ang kanilang mga magulang ay hindi nag-aaway –
ang mga ito’y maka-Diyos at walang araw ng Linggo o araw ng pangilin na hindi makikita
ang mga ito sa kanilang bisita sa dakong hilaga ng nayon.
Ang mga ito’y may rosaryo sa kanilang mga
palad at may mga usal ng dalangin sa mga labi.
At silang dalawa - ang batang lalaki at ang
batang babae - ay nagsisipag-aral, kasama pa ng ibang bata sa maliit na
gusaling may tatlong silid sa dakong timog ng nayon. Sila’y may mga pangarap,
na ang sakop ay lumalakdaw sa hangganan ng nayong iyon, ng bayang iyon, at ng
lalawigang kinaroroonan niyon.
Wala silang pasok kung araw ng Sabado at
Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang dalawa’y naglalaro sa loob ng
bakurang iyon, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong
santol, sa punong bayabas, sa marurupok na sanga ng sinigwelas, maaligasgas at
malulutong na sanga ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod,
nababakbak ang kanilang mukha at kung minsan ay nalilinsaran sila ng buto kung
nahuhulog – ngunit ang lahat na iyon ay hindi nila iniinda, patuloy sila sa
paglalaro.
Malamig sa ilalim ng punong mangga. Makapal
ang damo sa sakop ng lilim niyon kung umaga at doon silang dalawa naghahabulan,
nagsisirko, nagpapatiran at kung sila’y humihingal na ay hihiga sila sa
damuhang iyon, titingalain nila ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sila sa
pagitan ng masinsing mga dahon at magkukunwaring aaninawin sa langit ang
kanilang mukha.
“Loko mo … makikita mo ba ang mukha mo sa
langit? “ minsan ay sabi ng batang babae.
“Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking
salamin, sabi ni Tatay ko.” sagot naman ng batang lalaki.
Ang batang babae ay makikisilip din sa
pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig patunayan ng sariling paningin
ang sinabi ng kalaro. At pagkaraang tumingin sa langit nang matagal, sila’y
lalagumin ng katahimikan – ang kanilang katawan ay nakalatag na parang mga kumot,
hanggang sa sila’y makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa kanilang bahay.
Kung minsan, ang batang lalaki ang unang
magigising: kung minsan naman ay ang batang babae. Nguni’t sino man sa kanila
ang unang magising, kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin ang taynga ng
natutulog. At ang natutulog ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarinig na siya’y
pinagtatawanan ay magtitindig at ang nangiliti ay mapapaurong at anyong tatakbo
at sila’y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapa- ikut-ikot haggang sa ang
isa’y mahapo at sila’y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan, magkatabi at
hindi nila pinapansin ang pagkaka - dantay ng kanilang mga binti o ang
pagkakatabi ng nag-iinit nilang mga katawan.
Kung sila’y nagsasawa na sa loobang iyon,
sila’y nagtutungo sa dalampasigan kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot
sila ng kabibi. Inilalagay ng batang lalaki sa bulsa ng kayang putot na
pantalon ang nakukuha niyang kabibi, at ang nadarampot naman ng batang babae ay
inilalagay nito sa sinupot na laylayan ng suot niyang damit. Kung hindi naman
kabibi ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis
sa talpukan, o kaya’y gumagawa ng kastilyong buhangin, o kaya’y nanunugis ng
mga kulukoy na kung hindi nangungubli sa kanilang malalalim na lungga ay
lumulusong sa talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin.
II
Ngunit hindi lamang iyon ang kanilang
ginagawa: Nagtutudyuhan din sila, naghahabulan at kapag nahahapo na, mahihiga
rin sila sa buhangin, tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa
kanilang pagkakatabi, nagkakangitian sila. Minsan ay itinatanong ng batang
lalaki sa batang babae:
Naririnig mo ba na may tumutunog sa aking
dibdib?”
At ang batang babae ay nagtaka. Bumangon ito
at tumingin sa nakatihayang kalaro.
“ Pakinggan ko nga,” anang batang babae.
Inilapit ng batang babae ang kanyang taynga
sa dibdib ng batang lalaki,dumadaiti ang katawan niya sa katawan ng kalaro at
nalalanghap naman ng nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok.
“Ang bango mo pala!” ang batang lalaki ay nakangiti.
“Aba
… hindi naman ako nagpapabango, “ anang batang babae na lumupasay sa tabi ng
nakahigang kalaro. “ Paglaki ko raw ay saka na ako magpapabango, sabi ng nanay
ko.”
“Teka nga pala, narinig mo ba ang tunog sa
dibdib ko? usisa ng batang lalaki.
“Oo … ano kaya ang ibig sabihin niyon?”
Nagkatinginan ang dalawa at ang lalaki ang
unang nagbawi ng tingin. “Malay ko … tena na nga.”
Bumangon ang batang lalaki, pinagpag ang
buhanging dumikit sa kanyang bisig at sa kanyang pantalon at nagsimula nang lumakad.
Sinabayan ito ng batang babae at habang isinasalisod nila ang kanilang mga paa
sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa paglubog na araw.
“Ang ganda, ano” naibulalas ng batang lalaki.
“Parang may pintang dugo ang langit.”
“Oo nga, ano? Bakit kaya kulay dugo ang araw
kapag palubog na?” sagot naman ng batang babae.
Hindi sumagot ang batang lalaki. Nakatanaw
ito sa mapulang latay ng liwanag ng araw sa kanluran.
III
Puring-puri ang dalawang bata ng kanilang mga
magulang at ng kanilang mga kanayon. At kinaiinggitan naman sila ng ibang mga
batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makihalubilo sa kanila.
“Siguro, paglaki ng mga batang ‘yan… silang
dalawa ang magkakapangasawahan.
Narinig ng dalawang bata ang salitang iyon at
sila’y nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging
magkalaro sa isang hula sa hinaharap. Higit pang nakakaabala sa kanilang isip
ang sinasabi ng kanilang mga kaklase na silang dalawa’y parang tuko -
magkakapit. At minsan nga ay napalaban ng suntukan ang batang lalaki. Isang
batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw na pauwi na sila ay humarang sa
kanilang dinaraanan at sila’y tinudyo nang tinudyo.
“Kapit-tuko! Kapit-tuko!”
Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang
lalaki. Ibinalibag nito sa paanan ng nanunudyong batang lalaki ang bitbit na
mga aklat. Sinugod nito ang kalaban. Nagpagulong-gulong sila sa matigas na
lupa, nagkadugo-dugo ang kanilang ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit,
hanggang sa dumating ang guro at sila’y inawat at sila’y pinabalik sa
silid-aralan at pinadapa sa magkatabing “desk” at tumanggap sila ng tigatlong
matinding palo sa puwit.
Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan
ng dalawang bata ang bansag sa kanila. At sila’y nag-isip, na lalo lamang
nilang ikinalunod sa kanilang kawalang-malay.
IV
Namulaklak ang mga mangga, namunga, nalaglag
ang mga bugnoy, dumating ang mamamakyaw at sa loob ng ilang araw, nasaid sa
bunga ang mga sanga. Namulaklak din ang mga santol at iyon ay tinanaw ng
dalawang bata sa pagkakahiga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga
unang hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak at dumaan ang
mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at ang kanilang naging tagpuan ay
ang dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang
bugtong kung bakit kulay dugo ang silahis ng araw kung dapit- hapon. At sa
wakas ay namunga ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at
pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila’y naasiman at idinalangin
nila ang maagang pag-ulan – sapagkat sabi ng kanilang lola’y madaling bibintog
at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan. Sila’y naniwala at
hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon nang kalagitnaan ng Mayo, silang
dalawa’y naghubad, naligo sa ulan, naghabulan sa looban at nayapakan nila ang
mga tuyong damo, na waring bangkay ng isang panahong hinahalinhanan ngayon.
Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog na nga ang sinigwelas .
Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki’y umakyat sa puno at ang batang
babae naman ay naghanap ng sungkit.
At ang pamumulaklak at pamumunga ng mangga,
santol at sinigwelas at ng iba pang punongkahoy o halaman sa loobang iyon ay
nagpatuloy. Ang damuhan ay natuyo at muling sinibulan ng bagong supling: ang
araw ay lumubog at sumikat at hindi pa rin nagbabago ang kulay ng silahis niyon
kung dapit - hapon.
Ang paaralan sa nayon ay malapit nang
magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang palatuntunan; ang mga magulang ay
walang pinag-uusapan kundi ang katalinuhan ng kanilang mga anak.
V
Nang dumating ang pasukan, ang batang lalaki
at ang batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa bayan. Doon
sila mag-aaral ng haiskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang batang lalaki’y
hindi na nakapantalong maikli - putot: siya’y nakalargo na at pantay na ang
hati ng kanyang buhok na nangingintab sa pahid ng pomada. Samantala, ang batang
babae ay may laso sa buhok, na nakatirintas at ang kanyang suot na damit ay
lampas tuhod at hindi nakikita ng batang lalaki ang alak-alakan nito.
Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang
pagbabago, na hindi nila napigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng
tingin ang paraisong kanilang kinaroroonan.
Sa paglawak ng kanilang daigdig, ang batang
lalaki’y hindi na sa batang babae lamang nakikipaglaro – siya’y nakahalubilo na
rin ng maraming batang lalaking pumapasok sa nagagapok nang gusaling iyon ng
paaralan. Nakikipagharutan siya sa mga ito, nakikipagbuno, nakikipagsuntukan –
at higit sa lahat, nakikipagtuklasan ng lihim sa isa’t isa. Isang araw, sa
likod ng paaralan, isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog sa isang
batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na natuklasan niyang kailangang
mangyari sa kanya.
Umuwi siyang parang tulala nang hapong iyon
at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Naupo siya sa baitang ng kanilang hagdan
at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kanyang ama.
Inusisa niya sa ama ang kanyang natuklasan sa
paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin pa iyon.
Napatawa ang kanyang ama. Tinapik siya nito
sa balikat.
“Kailangan ‘yon upang ikaw ay maging ganap na
lalaki! “ sagot ng kanyang ama.
Natingala lamang niya ito at ang pamimilog ng
kanyang mga mata’y naghiwatig ng pagkakaroon ng lamat sa kanyang kawalang
malay.
“Hayaan mo … “dugtong ng kanyang ama. “Isang
araw, isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lamang sana … “
Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae,
ngunit aywan niya kung bakit nahihiya siya. Ngayon lamang iyon. Kaya’t kahit
patuloy pa rin silang nagtutungo sa dalampasigan tuwing wala silang pasok, ang
alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang lalaki.
At isang araw, Sabado ng umaga, isinama siya
ng kanyang ama sa bahay ni Ba Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng
bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng iba pang ginawa, siya’y itinaboy ni Ba
Aryo upang maligo sa ilog.
“Ang damuho … pagkalaki-laki’y parang hindi
lalaki.”
Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo, kabuntot
ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kanyang isip at patuloy na
nagpalaki sa lamat sa kanyang kawalang malay.
VI
Kasunod ng pangyayaring iyon, aywan niya kung
bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong magaling na ang sugat na nilikha
isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo, hindi pa rin nagbabalik ang kanyang
sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi siyang
tumabi rito kung ito’y nakahiga sa damuhan o sa dalampasigan. Hanggang isang
araw ay napansin niyang mapupula ang mga mata ng batang babae nang dumating ito
sa isang dapit - hapon sa tabing-dagat.
“Bakit?” usisa niya.
“Wa – wala … wala!”
Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang
baka ang kawalang sigla niya sa pakikkipaglaro rito ang dahilan. Tinudyo niya
ang batang babae, kiniliti, napahabol dito … hanggang sa mahawa ito at sila’y
naghabulan sa buhanginan. Sumisigaw sila sa katuwaan hanggang sa manigas ang
kanilang mga binti at kinakailangang humiga naman sila sa buhanginan.
Humagikgik pa sila nang mapatong ang kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib
at nadama niyang lalong malakas ang pintig doon.
“Tingnan mo … pakinggan mo ang tunog sa
dibdib ko,” anyaya ng batang lalaki.
Ngunit hindi kumilos sa pagkakahiga ang
batang babae. Nakatitig lamang ito sa maaliwalas nang mukha ng langit. Nagtaka
ang batang lalaki. Bumangon ito at tinunghan ang nakahigang kalaro. Nangingilid
ang luha sa mga mata nito.
“Bakit?”
Saka lamang tumigin ang batang babae sa
batang lalaki. At ito’y umiyak at ang luhang tumulo sa pisngi’y pinahid ng
palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay pinaniktan ng buhangin.
“ Hindi na pala tayo maaaring maglaro… ng
tulad ng dati,” anang batang babae sa basag na tinig.
“Hindi na?” Parang sasabog sa kawalang-malay
ang katauhan ng batang lalaki.
“Malalaki na raw tayo … malalaki nang tao.
Hindi raw maglalaon, tayo’y magiging dalaga … at binata.”
“Sinabi ‘yon ng Nanay mo?”
“Oo, sinabi niya … na hindi na tayo maaaring
maghabulan, o kaya’y umakyat sa punongkahoy o kaya’y pagabi sa tabing dagat,”
sabi pa ng batang babae.
“Kangina sinabi sa’yo … ng Nanay mo?”
Tumango ang batang babae “Ngayon daw … hindi
na tayo bata. Ako raw ay dalagita na … at ikaw raw ay binatilyo!”
At waring ang batang lalaki’y nagising,
napagmasdan niya ang kanyang mga bisig, ang kanyang katawan at sa harap ng
kanyang kalaro ay naunawaan niyang totoo ang sinabi nito.
“Ayaw ka na palang papuntahin dito’y … bakit
narito ka pa … gabi na!?
Nagbangon ang kanyang kalaro. Humarap sa
kanya. Palubog na noon ang araw at mapula ang silahis niyon sa langit. Ang
mukha ng dalawa ay animo mula sa malayo at ang pagkakahawak nila sa bisig ng
isa’t isa ay parang isang pagpapatunay ng tibay ng tanikalang bumibidbid sa
kanilang katauhan.
VII
Hindi na nga sila mga bata. Siya’y dalagita
na. Siya naman at binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang nagpapaunawa sa
kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkita pa rin sila sa
looban, ngunit hindi nga lamang tulad ng dating nagtatagal ang kanilang
pag-uusap. Ngayon, parang laging may nakatingin sa kanilang mga matang
nagbabawal. Sa looban, ang kanilang mga magulang; sa paaralran, ang kanilang
guro. At ang kanilang tawa tulo’y ay hindi na matunog; ang hiyaw ng dalagita ay
hindi na matinis, malayo sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang pag-uusap ay
hindi na malaya at pumipili na sila ng mga salitang kanilang gagamitin.
At buwan-buwan, ang dalagita ay may
kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kanyang katre at kapag tapos na sa
paglalaba ang kanyang ina ay palihim niyang lalabhan sa silong at ikukula sa
kubling bahagi ng likod bahay.
Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa
paglalaba sa silong at sinabi nito sa kanya: Hindi mo na kailangang dito pa
labhan ‘yan…
VIII
Nagtapos sila ng
haiskul. Nagkamay sila pagkaraang maabot ang kani-kanilang diploma. At nang
magsayawan nang gabing iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo,
ang tibok sa kanyang dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat
iyon ng binatilyo. Nagsayaw sila, nag-usap ang kanilang mga mata ngunit ang
kanilang mga labi’y tikom at kung gumagalaw man upang pawiin ang panunuyo o
paglalamat niyon.
At hindi nila alam na ang tibok ng pusong
iyon ay isa pang pangyayaring nagpalaki sa lamat a kanilang kawalang - malay.
IX
Maliwanag ang naririnig na salita ng
dalagita: Kung gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni
Ariel. Naunawan niya ang ibig sabihin niyon, nguni’t ang pagtutol ay hindi niya
maluom sa kanyang kalooban.
“Pero, Inay … Kaibigan ko si Ariel.” May
himagsik sa kanyang tinig.
“Kahit na … kayo’y dalaga at binata na. Alam
mo na siguro ang ibig kong sabihin. “ May langkap na tigas ang sagot na iyon.
Alam niya ang kahulugan niyon: Masama? Parang
pait iyong umuukit ng kung anong bagay sa kanyang isip. At saglit iyong inagaw
ng tinig ng kanyang ama.
“Ibig kong magdoktora ka, kaya kalimutan mo
muna ang mga lalaki!”
At ang pait na may iniuukit sa kanyang isip
ay parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog
ng pagpukpok ay nag-aalingawngaw ng : Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa
harap ng kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang
silid.
“Ayaw nila … ng Inay, ng Itay … masama raw,”
at ang mga labi niya’y nangatal, kasabay ng luhang umahon a kanyang mga mata.
X
Iyon lamang at minsang dalawin siya ng binata
sa dormitoryo, natuklasan nila sa isa’t isa na mataas na ang dingding sa
kanilang pagitan. Matatag iyon, makapal, at waring hindi nila maibubuwal.
“Huwag na muna tayong magkita, Ariel,” sabi
niya sa binata. Napatitig sa kanya si Ariel at nakita niya ang pamamantal ng
noo nito – at pagtataka sa damdaming unti-unting nasasaktan.
“Ba-bakit … dati naman tayong …”
At si Ariel ang kanyang kababata ay lumisang
larawan ng isang bilanggong hindi nakaigpaw sa isang mataas na pader.
XI
Minsan, ang binata ay umuwi sa lalawigan.
Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna agad iyon ng kanyang ama.
“Bakit?”
“Ayaw nang makipagkita sa akin si Cleofe,”
Nagtawa ang kanyang ama, tulad ng kaugalian
nito tuwing may ilalapit siyang suliranin.
“Walang kuwenta ‘yon. Makita mo, kapag tapos
na si Cleofe ay magkakalapit kayong muli. Hindi mo ba alam … na gustung-gusto
ng kanyang mga magulang na maging doktora siya?
Pagsigaw ang alingawngaw ng kanyang tinig sa
kanyang isip.
“At habang nagdodoktora siya ay masamang
kami’y magkita?”
“Tama ka! “ maagap na pakli ng kanyang ama.
“Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa tukso! “
“Tukso! Tukso! Parang matalim na kutsilyong
isinaksak sa kanyang utak ang katagang iyon. Mahapdi, Makirot. Parang binibiyak
ang kanyang ulo.
Napapikit siya. Nagunita niya ang luntiang damuhan
sa looban ang malamig na buhanginan kung hapon, ang mapulang silahis ng araw na
parang dugo.
XII
At ang dalawa’y hindi nagkita, gayong nasa
isang lungsod na maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka
mawawalan ng makakasalubong na kakilala. Mangyari’y iniiwasan nila ang magkita,
mangyari’y sinisikil nila ang paglago ng halaman sa kanilang katauhan na
pinag-uugat at pinapag-usbong ng mga araw sa luntiang damuhan sa looban at
malamig na buhangin sa dalampasigan kung dapit - hapon. Hindi sila nagkita,
sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila ay masama, tukso. At
sa kanilang bagong daigdig ng aklat, ng mataas na gusali ng malayong kabataan
sa kapaligiran, ang isiping iyon ay parang tabak na nakabitin sa kanilang ulo o
kaya’y tulad din ng isang mansanas na bibitin - bitin sa nakayungyong na sanga
ng punongkahoy.
Hindi sila nagkita sa loob ng mahaba ring
panahon, mga buwan at sana’y mga taon kung nakatiis sila - kung tuluyang
nasikil nila ang halamang patuloy sa pagbabago sa kanilang katauhan.
XIII
Hindi nga sila nakatiis - isang araw na hindi
sinasadya’y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan. Kapwa sila napahinto
sa paglakad at nabangga na sila ng mga tao sa bangketa ay hindi pa rin sila
makakilos. Ang binata ay naglakas loob at binati niya ang dalaga.
Hindi nakasagot ang dalaga. Nakatitig lamang
siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang
kanugnog na restaurant ay napasunod lamang siya, napatangay sa agos ng kanyang
damdamin. At sa harap ng kanilang hininging pagkain, sila’y nagkatitigan at
sila’y nakalimot at akala nila’y nasa luntiang damuhan sila sa looban sa
lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa’t isa.
XIV
At sila’y nagkita sa Luneta, hindi lamang
minsan kundi sa maraming pagkikita, marami-marami, at ang kanilang sikil na
damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwan sila’y
lumigaya.
Ngunit ang inihasik na binhi ng pagkakilala
sa masama at sa mabuti sa kanilang isip ay sumibol na at nagpapaunawa sa kanilang
ang ginagawang iyon ay masama. Nguni’t sila’y naghihimagsik.
XV
Malinaw ang sinabi sa sulat: sa pook pa
namang iyon, sa lahat ng pook na dapat mong pakaiwasan - doon kayo nakita.
Hindi na sana
malubha kung nagkita lamang kayo ngunit nakita kayong magkahawak - kamay … sa
karamihan ng tao sa paligid. Hindi kayo nahiya.
Hindi na ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbasa
sa liham. Nagbabanta ang mga sumusunod pang talata: luluwas ang ama mo kapag
hindi mo itinigil ang kabaliwang iyan. … ipinaaabot dito ng mga magulang ni
Cleofe ang ginawa ninyo. Hiyang-hiya kami ng iyong ama. Ibig naming makatapos
ka … at ibig naming ipaalalang muli sa iyo na ang babae ay tukso … tukso! Kaya
ibig niyang umalis sa silid na iyon upang hindi marinig ang alingawngaw ng
katagang iyon: tukso – tukso – tukso !
XVI
Sinabi ng dalaga: hindi na ngayon tayo
maaaring magkita. Sinabi ng binata: magkikita tayo, magtatago tayo … ililihim
natin sa kanila ang lahat.
At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila dapat pagkitaan,
ngunit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik, ng takot na matutop, at ng
pangangailangan.
Sa mga pook na iyon pilit nilang iginupo ang
dingding na ipinagitan sa kanila. At sa palagay nila sila ay nagtagumpay.
Naalis ang hadlang. Ngunit sa kanilang utak, nagsusumiksik at nanunumbat ang
alingawngaw ng pagbabawal: lumalarawan ang nananalim na tingin! Masama … tukso!
XVII
At ngayon, ang kanilang paraiso ay hindi na
ang malawak na looban, o kaya’y ang dalampasigang malamig kung dapit - hapong
ang silahis ng araw ay mapulang parang dugo. Ang daigdig nila ngayon ay
makitid, sulok-sulok, malamig din ngunit hinahamig ng init ng kanilang lumayang
mga katawan.
Maligaya sila sa kanilang daigdig, Maligaya
sila sa kanilang bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong
ang kalawakan at nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamaya-maya, pumatak ang
ulan, na ang pasimulang madalang ay naging masinsin. Ang dalaga ay dumungaw sa
bintana – masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakatatakot na bagay sa
kanyang katawan na ibig niyang ilabas, na ibig niyang itapon. At iyon ay
umakyat sa kanyang lalamunan.
Humawak siya sa palababahan ng bintana.
Tumingala siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyang
maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at nakita
niyang nalinis ng tubig ang bangketa at kasabay ng kanyang pagtungo, parang
isinikad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya’y napanganga at
siya’y napapikit at siya’y napaluha at paghigpit ng kanyang hawak sa
palababahan ng bintana ay napaduwal siya … at ang lumabas sa kanyang bibig ay
tumulo sa bangketa at sandaling kumalat doon at pagkaraa’y nilinis ng patak ng
ulan, inanod ng nilikhang mumunting agos sa gilid ng daan.
At ang dalaga’y
napabulalas ng iyak.